Olympic double gold medalist gymnast Carlos Yulo, bibigyang parangal at pagkilala ng Senado

Pinabibigyan ng parangal at pagkilala ng Senado ang Paris Olympics double gold medalist gymnast na si Carlos Yulo.

Sa Senate Resolution 1102 na inihain ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, pinabibigyan ng Philippine Senate Medal of Excellence si Yulo matapos na magpamalas ng husay, determinasyon at karangalan na nag-iwan ng isang malaking kasaysayan sa bansa sa larangan ng sports.

Nakasaad pa sa resolusyon na ang ipinakita ni Yulo ay magsisilbing inspirasyon at magandang ehemplo hindi lang sa kabataan kung hindi sa bawat Pilipino para patuloy na magsumikap upang magtagumpay sa kani-kanilang larangan.


Samantala, nagpaabot din ng papuri at pagbati ang mga senador kay Yulo.

Sinabi ni Senate Sports Committee Chairman Christopher Bong Go na bukod sa malaking karangalan sa sambayanan si Yulo, isa rin aniyang itong dahilan para mas lalong magkaisa ang mga Pilipino na patuloy na sinusubok ng mga hamon ng panahon.

Para kay Senator Lito Lapid, taas noong ipinagmamalaki si Yulo ng bansa at ang kwento niya ay patunay na kapangyarihan ng pagsisikap at pangarap.

Itinuturing naman ni Senator Robinhood Padilla na si Yulo ay isang halimbawa ng isang atletang Pilipino na hindi kailangang matangkad at hindi kailangang may halong dayuhan para makapagbigay ng dangal sa bansa.

Facebook Comments