OMB, isusulong na mabigyan ng pisong budget sa 2023

Imumungkahi ni Senator Jinggoy Estrada na bigyan ng pisong budget sa 2023 ang Optical Media Board (OMB).

Ito ay dahil sa poor performance ng kasalukuyang OMB Chairman na si Jeremy Marquez at ng OMB sa kabuuhan.

Giit ni Estrada, pumalya ang OMB sa nakalipas na taon sa kanilang mandato kung saan walang koleksyon, walang nahuhuling lumalabag at zero talaga ang performance ng board.


Kaya naman sa Lunes sa pagsalang sa budget deliberation, tiniyak ni Estrada na isusulong niya ang pagbibigay ng pisong budget sa OMB.

Matatandaang nagisa ni Estrada ang OMB chairman sa pagdinig ng ₱75.8 million budget nito sa Finance Committee dahil sa mababang performance.

Mula aniya nang maupo ito noong November 2021 hanggang ngayon ay walang naihain na administrative cases, zero din pagdating sa koleksyon ng administrative penalties, wala ring nakumpiskang mga counterfeit at iligal na storage devices at umabot lang ng ₱100,000 ang halaga ng mga nakumpiska sa loob ng isang taon.

Tinukoy pa ni Estrada na nito lamang na sasalang sa budget hearing nagsagawa ng operasyon ang OMB laban sa mga lumalabag sa Optical Media Act of 2003.

Facebook Comments