Ombudsman, haharangin ang umano’y posibleng paglaya ni dating Sen. Jinggoy Estrada

Manila, Philippines – Haharangin ng Office of the Ombudsman ang umano’y posibleng paglaya ni dating Senador Jinggoy Estrada.

Ito ay kahit wala pang lumalabas na kumpirmasyon o release order mula sa Sandiganbayan.

Dati nang ibinasura ng Sandanginbayan ang naunang mosyon ni Estrada na makapagpiyansa para sa kaso nitong plunder kaugnay ng pagkakasangkot niya sa PDAF scam.


Dahil dito, lumalabas na pangalawang mosyon na ito ng dating senador na umano’y hindi pinapayagan sa batas.

Pangamba pa ng Ombudsman, sakaling makalaya si Estrada, baka sumunod na rin ang kapwa akusado niya na si dating Senador Bong Revilla.

Kung mangyari, handa umanong umakyat hanggang Korte Suprema ang Ombudsman.

Ayon naman kay Revilla, bahala na ang kanyang abogado sa susunod nilang hakbang.

Una rito, pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghawak ng Ombudsman sa kaso ng mga akusado sa PDAF scam kung saan una nang pinayagang makapagpiyansa si Senador Juan Ponce Enrile.

Sabi ng pangulo, pinapairal ng Ombudsman ang selective justice.

Sinang-ayunan naman ito ni Estrada.

Facebook Comments