
Humiling si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa Korte Suprema na lumikha ng special courts para mapabilis ang paglilitis sa mga kaso ng katiwalian sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno.
Sa ginanap na budget hearing sa Senado, sinabi ni Remulla na ito ay hiniling na niya sa kaibigan na si Senior Associate Justice Marvic Leonen.
Kung magkakaroon aniya ng special court o graft courts sa mga regional trial court o RTC ay mawawala na ang pasahan ng hurisdiksyon at mapabibilis na ang proseso ng mga kasong may kinalaman sa korapsyon.
Nakikipag-ugnayan na rin si Remulla sa Sandiganbayan para madaliin ang mga proceeding na may kaugnayan sa graft cases.
Naglatag na rin ng reporma si Remulla para mapaikli ang proseso ng Ombudsman sa evaluation, fact-finding, at preliminary investigation para sa mabilis na pagsasampa ng kaso.
Kung noon ay inaabot ng hanggang isang taon bago matapos ang preliminary investigation, ngayon ay ipinatupad niyang tapusin ito sa loob ng 60 na araw tulad sa ipinatupad niya noon sa Department of Justice (DOJ).









