Ombudsman, iginagalang pa ni Pangulong Duterte bilang institusyon – Palasyo

Manila, Philippines – Ibinigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na iginagalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Ombudsman bilang isang institusyon.

Ito ay sa kabila ng naging pahayag ng Pangulo na hindi siya pasasailalim sa hurisdiksyon ng Ombudsman.

Nagsasagawa kasi ng imbestigasyon ang Ombudsman sa bank accounts ni Pangulong Duterte.


Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, suspect o kinukwestiyon ng Pangulo ang mga galaw ng ilang tao sa Ombudsman pero hindi aniya ibig sabihin na hindi iginagalang ng Pangulo ang Ombudsman.

Inihayag din ng ni Abella na karapatan ni Pangulong Duterte na ipanawagan ang pagbibitiw nila Ombudsman Conchita Carpio Morales at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Matatandaan na hinamon ni Pangulong Duterte sina Morales at Sereno na magresign at siya ay bibitiw din sa posisyon.

Ayon kay Abella, naniniwala kasi si Pangulong Duterte na nagpagamit sina Morales at Sereno sa ilang political forces para pabagsakin siya at ang kanyang administrasyon.

Paliwanag pa ni Abella, ito ang istilo ni Pangulong Duterte sa pagharap sa nasabing usapin.

Facebook Comments