Manila, Philippines – Nagbabala si PBA PL Rep. Jericho Nograles na posibleng maharap sa impeachment si Ombudsman Conchita Carpio-Morales dahil sa mga alegasyon sa Office of the Ombudsman tungkol sa korapsyon at sa mga imbestigasyon at desisyon na politically biased.
Ito ay kasunod na rin ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na bubuo ito ng komisyon para imbestigahan ang mga anomalya at iregularidad ng Ombudsman.
Giit ni Nograles, nilalabag ng Office of the Ombudsman ang sariling Rules on Procedure matapos na isapubliko ni Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang ang mga bank accounts ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, kasama din sa sakop ng rules si Carandang dahil pumapangalawa ito sa pinakamataas na opisyal ng Ombudsman at kahit hindi ito impeachable officer ay paiiralin naman dito ang Civil Service rules.
Malinaw aniya na nilalabag ng Ombudsman ang due process ng isang indibidwal dahil ipinagbabawal ang pagsasapubliko sa mga nakapaloob sa preliminary findings at kung ano ang itinatakbo ng isang imbestigasyon.