
Pag-aaralan na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kina dating Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.
Ito’y matapos na irekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman ang pagsasampa ng plunder charges at iba pang kaso kina Romualdez at Co na may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects.
Sa panayam kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla matapos ang budget deliberations sa plenaryo, sinabi niyang masusi nilang i-e-evaluate o susuriin ang nilalaman ng rekomendasyon at mga attached documents para alam nila kung paanong aakto at mga hakbang na dapat gawin.
Giit ni Remulla, mahalagang nakabase sila sa ebidensya sa pagsasampa ng kaso at sasailalim muna sa fact-finding ang mga contents na isinumite ng DPWH at ICI bago nila isalang sa preliminary investigation.
Sinabi pa ni Remulla na sa Lunes pa niya ma-e-evaluate ang isinumiteng rekomendasyon dahil pagkatapos ng budget hearing ay may iba pa siyang function na pupuntahan.
Nakatitiyak naman si Remulla na may mga masasampahan sila ng kaso kaugnay sa flood control project anomalies bago matapos ang taon.








