May sampung araw ang Office of the Ombudsman para magkomento sa petisyon ng isang local government official sa Cebu na kanilang sinuspinde.
Ang petisyon ay inihain ni Cebu City Mayor Michael Rama na pinatawan ng suspension ng Ombudsman dahil sa umano’y harassment sa ilang kawani ng city hall at sa hindi raw pagpapasahod sa mga ito sa loob ng sampung buwan.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, hinihiling ni Rama na ipawalang bisa ang suspension order ng Ombudsman at ideklarang unconstitutional ang ilang bahagi ng Ombudsman Act of 1989.
Batay sa resolusyon ni Ombudsman Samuel Martires, nakitaan ng sapat na grounds para suspendihin si Rama dahil sa grave misconduct, conduct unbecoming of a public officer, at conduct prejudicial to the best interest.
Bukod sa alkalde, pito pang opisyal ng city hall ang suspendido mula pa noong Mayo.