Ombudsman, tiniyak na walang epekto sa kanilang imbestigayson ang pag-abswelto sa mga dating opisyal ng DA at SRA sa Sugar Order no. 4

Tiniyak ng Office of the Ombudsman na hindi makakaapekto sa kanilang imbestigasyon ang pag-abswelto sa dating mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Administration (SRA) kaugnay ng Sugar Order No. 4.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, magkaiba naman ang imbestigasyon ng Malacañang sa imbestigasyon ng Ombudsman at wala silang pakialam kung inabswelto sila ng Office of the President (OP).

Aniya, kung makikitaan nila ng probable cause para masampahan ng kaso ang mga ito, tiyak na mahaharap sila sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.


Nauna nang ibinasura ng OP ang kasong isinampa laban kina dating DA Undersecretary Leocadio Sebastian, dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica at SRA Board members Roland Beltran at Aurelio Gerardo Valderrama Jr. dahil sa kawalan ng malinaw at matibay na ebidensiya.

Ang mga dating opisyal ay kinasuhan ng grave misconduct, grave dishonesty at “conduct prejudicial to the best of the service.”

Facebook Comments