Wala pang nakikitang pangangailangan ang isang health expert na magtaas ng alert level sa Metro Manila.
Ito ay kahit nakapagtala na ng tatlong kaso ng Omicron variant sa bansa.
Paliwanag ni Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force (NTF) Against COVID-19, nasa 0.8% lamang ang positivity rate sa National Capital Region (NCR) na mas mababa sa 5% positivity threshold ng World Health Organization (WHO).
Kumpiyansa din siya na hindi magkakaroon ng paglobo ng kaso sa National Capital Region (NCR) dahil marami na ang bakunado sa rehiyon.
Pero giit ni Leachon, dapat pa ring ingatan na hindi kumalat ang Omicron lalo na sa mga lugar sa Visayas at Mindanao na bukod sa mababa ang vaccination rate ay apektado pa ngayon ang pagbabakuna dahil sa Bagyong Odette.
“Since nakatatlo na tayo at dumaan sa backdoor yan sa Cebu, kailangan ingatan nating kumalat kasi rapidly transmissible ang Omicron, milder pero pagka tumama naman ito sa mga senior citizens at sa mga merong comorbid condition, maaaring maging severe din ‘yan,” ani Leachon.
“E ngayon, because of the Odette typhoon, apektado ngayong ang deployment ng bakuna plus yung probability na magkaroon ng unintentional violation ng mga minimum health standards and protocols plus the absence of sanitation and hygienic measures dun sa mga area na ‘yon,” dagdag niya.
Muli naman iminungkahi ni Leachon ang pagpapaigting ng contact tracing at testing at paspasan ang pagbabakuna para mapigilan ang pagkalat ng mas nakakahawang Omicron variant.