Walompung porsyento ng serbisyo ng kuryente ang bagsak ngayon sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ito ay makaraang bayuhin ng malakas na ihip ng hangin at ulan ang buong lalawigan simula kaninang madaling-araw.
Bukod rito, naputol rin ang supply ng kuryente at komunikasyon sa lalawigan ng Cagayan, Ilocos Sur at Ilocos Norte.
Kaugnay nito, sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na hindi kaagad maibabalik ang supply ng kuryente sa mga lugar na kasalukuyang binabayo ng bagyong Ompong.
Gayunman ay nakakalat na ang kanilang mga tauhan sa ilang mga lugar para sa mabilis na pagbibigay ng serbisyo kung kinakailangan.
Nakikipag-ugnayan na rin sa NGCP ang ilang mga electrical cooperative na dumaranas ngayon ng power outage.
Nabatid na marami ang mga linyang naputol sa mga lalawigan dahil sa mga debris na tinangay ng malakas na hangin ng bagyong Ompong.