Nanatiling maayos ang pag-alis at pagdating ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula nitong araw ng Sabado.
Ito ang inihayag ni Manila International Airport Authority o MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co sa Laging Handa public briefing.
Ayon kay Co, nitong Sabado nasa 70 percent ang on time performance ng NAIA, 86 percent nitong Linggo, 91 percent nitong Lunes at 97 percent kahapon.
Ibig sabihin aniya nito mabilis ang galaw o walang aberya ang mga airline sa kanilang mga biyahe sa kabila ng dagsa ng mga pasahero ngayong panahon ng Semana Santa.
Sinabi pa ni Co na aabot sa 1.2 milyong pasahero ang gumagamit at gagamit ng NAIA simula pa noong Sabado hanggang sa Lunes, April 10.
Simula noong Sabado aniya nakakapagtala sila ng 110,000 hanggang 120,000 pasahero kada araw pero inaasahan nila ngayong araw at hanggang bukas na tataas ito ng 10 hanggang 15 percent.
Sa ngayon, nagtutulungan ang Office for Transportation Security, Philippine Coastguard para matiyak ang seguridad sa NAIA.
Paalaa naman ni Co sa mga pasahero na maiging tumungo nang mas maaga sa NAIA para hindi maabala, kung kakayanin aniyang mag-check in online at gawin ito.
Sa mga babiyahe naman papunta at palabas ng bansa, gamitin ang e-travel online form 72 hours bago ang flight para mabilis ang proseso pagdating sa NAIA.
Panawagan din ni Co magbayad ng Philippine Travel Tax online upang hindi na pumila pagdating sa NAIA.