Mayroong tsansang magkasundo ang Kamara at Senado sa usapin ng Charter Change (Cha-Cha).
Sa gitna ng pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, binasa ng Chairman ng komite na si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., ang text message ni Senate President Tito Sotto III patungkol sa opinyon nito na mapagtibay ang Cha-Cha sa Kongreso.
Sa text message ni Sotto kay Garbin, posible aniya ang ‘one-liner amendment’ sa Charter sa pamamagitan ng isang joint resolution.
Sakali mang mapagtibay ng Kongreso ang kapirasong amyenda sa isang linya ng Saligang Batas ay saka naman ito pagdedesisyunan ng taumbayan sa pamamagitan ng plebesito na isasabay sa 2022 elections.
Pero sa ngayon ay magkaiba ang resolusyon na inihain ng Kamara at Senado kaugnay sa Cha-Cha kung saan ang Resolution of Both Houses No. 2 (RB2) ng Mababang Kapulungan ay limitado lamang sa pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng Konstitusyon habang ang RBH 2 ng Senado ay para naman sa amendments ng economic provisions at democratic representations.
Sa ilalim ng amyenda sa democratic representations ay patungkol naman ito sa sakop ng kapangyarihan at term limits ng mga elected officials.