One-Stop Service Centers para sa mga OFW, palalakasin pa

Palalakasin ng Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang One-Stop Service Centers for OFWs o OSSCO sa bansa.

Ito ay matapos pirmahan ang collaboration deal sa pagitan ng DOLE, POEA at ng 16 na iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III – sa pamamagitan nito, mapapaikli ang oras ng pagpoproseso ng mga dokumento, mababawasan ang gastos sa pagbiyahe at aangat ang paghahatid ng serbisyo.


Sinabi naman ni POEA Administrator Bernard Olalia – mayroon nang kasunduan mula sa kanilang mga partners sa mga rehiyon at ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon ng kasunduan sa national level.

Mula nitong December 2018, aabot sa 3.8 million na kliyente ang napagsilbihan ng 19 na OSSCO sa buong bansa.

Magkakaroon din ng 24/7 hotline para magbigay ng tulong sa iba’t-ibang OFW concerns.

Ang OSSCO, ay inilunsad noong Agosto 2016 para bigyan ang mga Pilipinong nais magtrabaho abroad ng mabilis na access sa government frontline services.

Bukas ang OSSCO mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.

Facebook Comments