Wednesday, January 28, 2026

ONE-STOP SHOP SERVICES PARA SA KAPULISAN, ISINAGAWA SA PNP DAY 2026

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine National Police (PNP) Day 2026, isinagawa kahapon, Enero 27, ang “One-Stop Shop” ng mga frontline services para sa mga tauhan ng PNP at kanilang mga dependents sa Dagupan City at San Fernando, La Union.

Kabilang sa mga serbisyong inialok ang renewal ng professional at driver’s license, pagkuha ng civil registry documents at National ID, serbisyong pinansyal, at dental consultation at check-up.

Ayon sa ulat, ang mga serbisyo ay inilapit mismo sa kapulisan upang hindi na maapektuhan ang kanilang oras sa trabaho at kanilang maasikaso ang mahahalagang dokumento.

Sa Dagupan City, pinangunahan ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang aktibidad, habang nagsagawa rin ng kaparehong One-Stop Shop ang La Union Police Provincial Office (LUPPO) sa Barangay Biday, San Fernando City.

Katuwang ng kapulisan ang iba’t ibang frontline government agencies kabilang ang NAPOLCOM, Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Statistics Authority (PSA), Land Transportation Office (LTO), PhilHealth, Social Security System (SSS) at Pag-IBIG Fund.

Nakibahagi rin ang mga PNP frontline unit at ang Provincial Medical at Dental Team.

Ayon sa mga nag-organisa, naging maayos at episyente ang takbo ng aktibidad, na nakatuon sa kapakanan at pangangailangan ng mga police personnel bilang bahagi ng paggunita sa PNP Founding Anniversary. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments