One-stop system para sa pagdudulog at pag-aksyon sa pang-aabuso sa mga bata, itinatag ni PBBM

Nagtatag ng one-stop system si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagdudulog at pag-aksyon ng pang-aabuso at iba pang paglabag sa karapatan ng mga bata.

Sa Executive Order No. 79, nilikha ang Mahalin at Kalingain ating mga Bata o MAKABATA program na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ang tututok sa lahat ng insidente ng mga batang mangangailangan ng ispesyal na proteksyon.


Tungkulin din nito ang mag-ulat, rescue and relief, rehabilitasyon, at reintegration para sa mga menor de edad na walang kakayanang ipagtanggol ang sarili dahil sa pisikal o mental na kondisyon, at mga biktima ng pang-aabuso, pagpapabaya, exploitation, pagmamalupit, diskriminasyon, karahasan, gayundin ang child labor, online sexual abuse, child trafficking, at iba pang bagay na makasasama sa kanilang paglaki.

Kabilang din dito mga batang lumalabag sa batas, mga nasa alternative care, at may human immunodeficiency virus.

Sa ilalim ng kautusan ay magtatalaga ng kanya-kanyang MAKABATA coordinators, focal persons, at child protection officers, habang pinabubuo rin ang MAKABATA Program Handbook at MAKABATA multi-disciplinary teams.

Facebook Comments