One strike policy laban sa mga tiwaling tauhan at opisyal ng OTS, iginiit ng isang senador

Hinimok ni Senate Committee on Public Services Chair Senator Grace Poe ang Office for Transportation Security (OTS) na mahigpit na ipatupad ang ‘one strike policy’ laban sa mga tauhan at opisyal na masasangkot sa katiwalian at iba pang krimen tulad ng pagnanakaw ng pera sa mga pasahero.

Ginawa ng senadora ang pahayag ilang araw matapos na magsumite ng kanyang ‘courtesy resignation’ si OTS Chief Ma.O Aplasca dahil na rin sa sunod-sunod na isyung kinasangkutan ng kanyang mga OTS personnel.

Naniniwala si Poe na kapag naipatupad ang ‘one strike policy’ sa hanay ng OTS ay mabubunot ang mga hindi kanais-nais na tauhan at mapapanatili nito ang integridad ng tanggapan na nabahiran ng korapsyon at kontrobersiya.


Giit pa ni Poe, ang kailangan sa ating mga paliparan ay mga bantay sa ating seguridad at hindi bantay-salakay.

Panahon na rin aniya para maipatupad ang mahigpit na pagkilos laban sa mga tiwaling tauhan upang maipakita na seryoso ang tanggapan sa pagpapatupad ng reporma.

Hiniling din ni Poe ang pagbalasa sa sistema ng OTS gayundin ang pagrepaso sa patakaran ng recruitment at pagsasagawa ng masusing background check sa mga kasalukuyang empleyado.

Dagdag pa rito ang pagkilos ng ahensya para sa maayos na kompensasyon at benepisyo sa mga tauhan upang hindi matukso sa paggawa ng katiwalian.

Facebook Comments