Pagpapaliwanagin ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos ang chief of police, provincial director maging ang regional director ng walong pulis na nasangkot sa pagnanakaw sa bahay ng mga Chinese sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay PNP chief, kailangang masagot ng mga ito kung bakit may mga tauhan silang nasasangkot sa nakawan.
Kapag hindi nakuntento si PNP chief sa paliwanag ng mga ito, paiiralin aniya ang one strike policy.
Tiniyak naman ni PNP chief na masisibak sa serbisyo ang walong pulis.
Aniya, paulit-ulit ang kanyiang paalala na huwag masasangkot sa anumang katiwalian pero dahil hindi sila sumunod ay mahaharap sila sa parusa.
Ayaw rin daw ni Carlos na madamay ang mga matitinong pulis sa katiwaliang kinasangkutan ng mga ito.
Ang walong pulis ay humalughog sa bahay ng pitong Chinese sa Angeles City at sinabing magsasagawa ng buy-bust operation pero sa pag-iimbestiga, natukoy na ninakawan ng mga ito ang mga Chinese at nakuha ang cash na 300,000 US dollar at tseke.