Isa si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa inimbitahan sa organizational meeting ng senate committee on local government na pamumunuan ni Senator Francis Tolentino.
Sa kanyang pagharap sa senado ay iminungkahi ni Mayor Isko ang pagkakaroon ng batas para magtagumpay ang clearing operations o pagtatanggal sa mga illegal vendors at mga obstruction o nakahambalang sa kalye na dahilan ng pagbagal ng daloy ng trapiko.
Pangunahing ipapatupad ng batas ang one strike policy o agarang pagsuspende at paghahain ng kasong administratibo sa barangay chairman at pulis sa komunidad na magpapalusot ng ilegal sa kanilang lugar tulad ng illegal vendors.
Diin ni Mayor Isko, ang mga kapitan at pulis ang dapat may unang pananagutan sa nangyayari sa kanilang area of responsibility at hindi lang ang mga alkalde.
Ibinahagi ni Mayor Isko ang proseso ng ginagawa niyang paglilinis sa Maynila na aniya’y dugyot at napakarumi na.
Makakamit aniya ito kung walang tatanggap ng lagay at walang tutulog-tulog na mga lokal na opisyal ng lungsod, barangay at pulis.
Paliwanag ni Isko, dumami ang illegal vendors dahil may mga tumanggap ng lagay na nagsisimula sa pulis, patungo sa mga opisyal ng barangay hanggang makarating sa city hall.