Ikinokonsidera ng Commission on Elections (Comelec) na payagan lamang ang isang botante sa bawat polling precinct sa May 2022 elections.
Pero paglilinaw ni Comelec Spokesperson James Jimenez na isa lamang ito sa mga posibilidad para sa pagsasagawa ng ligtas na halalan.
Hindi gaya ng mga nagdaang eleksyon kung saan nasa 10 botante ang pinapayagan sa polling centers, pinag-iisipan nilang gawing isa hanggang limang tao lamang.
Ang “one-voter-at-a-time” scenario ay hindi lamang hamon sa poll body kundi maging sa voter educators at civil society groups.
Dahil sa limitado lamang ang bilang ng mga taong papasok sa mga voting precincts, ang oras ng botohan ay posibleng humaba, lalo na at 34 posisyon ang pag-aagawan ng nasa 20,000 kandidato.
Una nang sinabi ng Comelec na maaari nilang i-extend ang voting hours dahil malabo nilang ipatupad ang “multi-day” elections.