One-week growth rate sa NCR, -1% na lang – OCTA

Bumaba na sa -1% ang one-week growth rate ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) kahapon, August 14.

Mula ito sa 9% growth rate na naitala sa NCR noong August 7.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, posibleng simula na ito ng downward trend ng COVID-19 sa rehiyon.


Una nang sinabi ni David kahapon na posibleng nag-peak na ang COVID-19 cases sa NCR makaraang bumaba sa 16.2% ang positivity rate noong August 13 mula sa 17.4% noong August 6.

Samantala, bumaba rin sa 1.15 mula sa 1.21 ang reproduction number o bilis ng hawaan ng virus sa mga komunidad.

Bahagya ring bumaba ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR sa 8.70 per 100,000 population noong August 14 mula sa 8.77 noong August 7.

Sa kabila nito, tumaas sa 37% mula 36% ang Healthcare utilization rate.

Nananatiling nasa moderate risk ng COVID-19 ang rehiyon.

Facebook Comments