Itinutulak ni Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez na magkaroon ng isang taon prescription period para sa cyber libel.
Sa inihaing House Bill 7010, tinukoy ni Rodriguez ang pagkakaiba ng opinyon patungkol sa prescription period sa cyber libel.
Para maiwasan ang kalituhan, pina-aamyendahan nito ang Republic Act No. 10175 o Cyber Crime Prevention Act of 2012 upang lagyan ng prescription period para sa mga pagkakasalang pinaparusahan sa ilalim ng nasabing batas.
Sa kaso nina Rappler CEO Maria Ressa at dating Rappler researcher-writer Reynaldo Santos Jr., sinabi ng kongresista na ginamit ng Department of Justice (DOJ) ang Republic Act 3326 na nagsasabing ang anumang pagkakasala na may parusang pagkakulong na anim na taon o higit pa ay may prescription period na 12 taon.
Tinukoy din nito ang pahayag ni Far Eastern University (FEU) Law Dean Mel Sta. Maria na hindi na bagong krimen ang cyber libel base sa naging desisyon ng Korte Suprema sa constitutionality nito noong 2014.
Ibig sabihin, pasok ito sa one-year prescriptive period at ang naturang prescriptive period ay hindi nabago ng bagong Cyber Crime Law.