Ongoing vaccination program sa UST, binisita ni Health Sec. Duque

Pinangunahan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pagbabakuna sa medical frontliners ng University of Sto. Tomas (UST) Hospital sa Maynila.

Sa kanyang pagharap sa mga medical frontliners ng UST Hospital, pinuri ni Duque ang vaccination rate ng hospital, dahil mas mataas pa ito sa national coverage na nasa 50% na ngayon.

Unang naturukan ng bakuna ang resident doctor na si Dra. Dona San Antonio, na sinundan ni Fr. Felimon dela Cruz Jr., ang administrator ng UST Hospital at Vice Grand Chancellor.


Sinabi ni UST Hospital Medical Director Dr. Charito Consolacion na nakatanggap na sila ng 1,200 doses ng bakuna mula sa Sinovac para sa 600 nilang mga eligible vaccinees.

Bukod pa aniya ito sa 1,000 doses na bakuna ng AstraZeneca na gagamitin para sa 500 pang frontliners.

Target nilang mabakunahan ang 1,576 na medical frontliners at mga support staff ng ospital.

Samantala, kinumpirma naman ni Dr. Consolacion na nagkaroon ng minor adverse effect ang Sinovac vaccine sa 2 nitong mga naturukan at isa sa AstraZeneca vaccine.

Ipinaliwanag din ni Dr. Consolacion na isinama sa pagbabakuna ngayong araw si Fr. Dela Cruz dahil bahagi ito ng pastoral care ng mga pasyenteng nako-confine sa ospital.

Facebook Comments