Online application para sa fare matrix, binuksan ng LTFRB-NCR

Binuksan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) – National Capital Region (NCR) ang online application para sa mga driver at operator na nais kumuha ng fare matrix.

Ito ay upang makapaningil na ang mga ito sa inaprubahang fare hike adjustment na ipinatupad nitong Lunes.

Ayon sa LTFRB, dinagdagan nila ang paraan sa pagkuha ng taripa upang maibsan ang pila ng mga aplikante sa kanilang tanggapan.


Sa ilalim ng online application, ia-upload ng aplikante ang mga kailangang dokumento sa website ng LTFRB kung saan online na rin ang pagbayad dito.

Ayon kay LTFRB-NCR Director Zona Tamayo, ang mga online-processed fare matrix ay ia-upload sa Public Transport Online Processing System (PTOPS) account ng aplikante upang sila na mismo ang mag-print nito.

Inaasahan naman ni Tamayo na buong buwan ng Oktubre ay may kukuha pa rin ng taripa.

Facebook Comments