Sinimulan ng Commission on Election (COMELEC) ang pilot testing ng online reception ng applications para sa paglalabas ng voter’s certification.
Batay sa Resolution No. 10678, sinabi ng Poll En Banc na ang pilot testing para sa online reception ng applications para sa pag-iisyu ng voter’s certification ay isasagawa sa National Central File Division (NCFD) ng COMELEC – Election Records and Statistics Department sa Intramuros, Manila, Offices of the Election Officer (OEOs) sa mga siyudad, munisipalidad at distritong may access sa internet, at sa Office for Overseas Voting (OFOV).
“The aforesaid offices shall conduct the initial stage of the online reception of applications for the issuance of voters’ certification from the effectivity of this resolution until December 31, 2020,” nakasaad sa resolusyon.
Ang pilot testing ay isasagawa sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), Modified GCQ at walang quarantine classification.
Ang online applications para sa voter’s certification ay tatanggapin ng NCFD sa loob ng 24 oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo, maging sa OEOs na may internet access at sa OFOV.
Para makapag-apply, kailangang i-access ang online link na naka-post sa website ng COMELEC, Facebook/Messenger, Twitter, Instagram, Youtube, WhatsApp, WeChat/QQ, Linkedin, at sa mga bulletin board sa pamamagitan ng internet connection gamit ang desktop computers, laptops, tablets, o smart phones.
I-fill-out ng buo ang mga mahahalagang impormasyong nakalagay sa mandatory fields ng application form.
I-review at i-confirm ang ipinasok na impormasyon sa online application form; i-click ang “submit” button; hintayin ang email ng NCFD/OEO/OFOV para sa iba pang personal information para sa verification ng voter record at schedule ng release ng voter certification,
Pagkatapos ay i-save, i-print at kuhanan ng screenshot ng email at ito ang ipakita kapag kukunin na ang voter’s certification.
Ang COMELEC resolution ay magiging epektibo pagkatapos itong mailathala sa dalawang pahayagan.