Umaasa si Zambales Rep. Cheryl Deloso-Montalla na matutuldukan na ang “silent pandemic” na bumibiktima sa mga kabataan na online sexual abuse.
Ito ay kasunod na rin ng pagkakaapruba sa ikatlo at huling pagbasa ng House Bill 10703 o “An Act Strengthening the Protection Against Online or Offline Child Sexual Abuse or Exploitation (OOCSAE)” na iniakda ng kongresista.
Noong 2020 lamang ay umabot sa 1.2 million ang online tips kaugnay sa mga aktibidad na nasasangkot sa online sexual exploitation sa mga kabataan.
Mas mataas ito ng tatlong beses kumpara sa 400,000 tips ng mga pangaabuso sa mga kabataang natanggap ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Pero ayon sa kongresista, ito ay pawang mga reported cases kaya posibleng mas marami pang insidente ng pang-aabuso sa mga kabataan sa online ang hindi pa naire-report.
Bukod sa mas mabigat na parusang kakaharapin ng mga lalabag sa batas ay binibigyang mandato rin ng panukala ang mga internet intermediaries o mga internet payment service providers na agad i-report, i-block, tanggalin o alisin ang website na may online child sexual abuse o exploitation materials.
Napapanahon na rin aniyang bisitahin ang Republic Act No. 9775 o Anti-Child Pornography Act at iba pang batas na may kaugnayan sa mga pang-aabuso sa mga kabataan.