Online bentahan ng mga produktong walang FDA registration, pinapaimbestigahan sa NBI

Dapat imbestigahan ng National Bureau of Immigration (NBI) at ng Food and Drug Administration (FDA) ang napaulat na laganap na bentahan sa Lazada, Shopee at iba bang online sites ng mga produkto na posibleng peke o ‘di kaya’y hindi rehistrado sa FDA.

Ito ang apila ngayon ng grupong Action for Consumerism and Transparency for Nation-Building (ACTION) sa kanilang liham na pinadala nito kay NBI Acting Director Eric B. Distor at FDA Director General, Dr. Rolando Enrique Domingo.

Ayon sa lider ng ACTION na si Jake Silo, dahil na rin sa pagka-humaling ng mga Pilipino sa online shopping, maraming sellers ang tila umaabuso sa paglalako ng mga produkto tulad ng vitamins, pabango, cosmetics at iba pa kahit na wala silang License to Operate at Certificate of Product Registration mula sa FDA.


Sa katunayan, nakatanggap na aniya sila ng sumbong sa mga miyembro nila na nagsasabing may mga sellers na lantaran ang bentahan online, kahit na alam mismo ng FDA na wala itong lisensya.

Ayon sa ACTION, may dokumento mula FDA na nagsasabing ang mga online sellers tulad ng “The Everyday P.H.” at “T-G-W-W Everyday Lifestyle Studio” ay wala man lang silang License to Operate.

Nakasaad rin sa nasabing dokumento na ang mabenta ngayong “POUF! Cologne” ay wala ring kaukulang certificate mula FDA.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang bentahan ng mga nasabing sellers online.

Ayon kay Silo, dapat imbestigahan ito ng NBI at kung may nakitang iregularidad, dapat ay habulin ang mga ito at sampahan ng kasong kriminal.

Umapela rin ang grupo sa FDA na maging mabilis sa pagpapalabas ng warning sa mga shopping sites at publiko upang wala nang mabiktima ng maling gawain ng online sellers na idinadaan sa Lazada at Shopee.

Facebook Comments