Ipinasasabatas na agad ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagkakaroon ng ‘agriculture information system’ (AIS) na pinaniniwalaang tugon laban sa manipulasyon ng presyo ng mga pagkain tulad na lamang sa napakataas na presyo ng sibuyas.
Sa Senate Bill 1374 o Agriculture Information System Act na isinusulong ni Gatchalian, magtatatag ng AIS na magsisilbing online database ng lahat ng mga impormasyon sa demand sa partikular na produkto o pagkain.
Dito ay pagsasama-samahin at i-a-upload nang sabay-sabay ang datos sa produksyon ng mga magsasaka sa bawat barangay na siyang magiging gabay ng mga consumer.
Ang naturang database ay hindi lamang inaasahang magbibigay sigla sa produksyon ng mga magsasaka kundi titiyak sa sapat na suplay ng pagkain sa mga retail center.
Dagdag pa ng mambabatas, ang paglikha ng database ay makakatulong para maiwasan ang mga hindi kailangang importasyon ng mga farm product na siyang nakakaapekto sa competitiveness sa ating mga magsasaka.
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa mahal na presyo ng sibuyas, natuklasan na walang sariling datos ng suplay at demand sa produkto ang Department of Agriculture (DA) at umasa lamang sila sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Giit ni Gatchalian, kung may sariling impormasyon ang ahensya ay malalaman sana kung saang lugar ang maraming suplay at kung anong lugar naman ang dapat na bigyang suporta para mapalakas ang produksyon.