Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na payagan ang online filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2022 election.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, alinsunod sa batas ay hindi pinapayagan ang mga kandidato na maghain ng kanilang kandidatura online at sa halip ay personal dapat na magtungo sa tanggapan ng Comelec.
Pero sinabi naman ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na ang naturang probisyon ay maaaring baguhin ng Comelec para sa interes ng serbisyo publiko dahil ang bansa ay nasa ilalim ng pandemya.
Tiniyak naman ni Casquejo na hindi pa napagpasyahan ang pinal na alituntunin nito para sa darating na presidential elections partikular sa pangangampanya.
Mayroong hanggang Oktubre 2021 ang maghahain ng kandidatura para sa 2022 elections.