Online gambling sa bansa, hihigpitan ang regulasyon

Pinahihigpitan ni Senator Sherwin Gatchalian ang regulasyon sa lahat ng online gambling sa bansa.

Sa unang 10 panukalang batas na inihain ni Gatchalian para sa 20th Congress kasama ang Online Gambling Regulatory Framework bill sa isinusulong ng senador.

Nababahala kasi ang mambabatas dahil dumarami ang mga kabataan na nagkaka-access sa online gambling at kahit sa halagang P20 ay pwede na silang tumaya at maglaro.

Paliwanag ni Gatchalian, mas pinili nilang i-regulate ang online gambling sa bansa sa halip na tuluyang ipagbawal dahil malaki ang posibilidad na mag-underground ang online gambling industry at lalong walang makokolektang kita ang pamahalaan.

Ilan sa mga salient point ng panukala ay itaas ang minimum bet sa P10,000 at ang top up sa P5,000; magkaroon ng “know your client system” kung saan kailangan bago makapag-log in ay mayroong hihingiing biometrics at ID; itataas din ang edad sa 21 anyos mula sa 18; at ipagbawal ang link ng gcash payment system sa lahat ng online gambling.

Bukod dito ay hihigpitan din ang advertisement sa online gambling kung saan ipagbabawal ang pag-e-endorse ng mga celebrities at hindi na papayagan ang paglalagay kung saan-saan ng mga ads lalo na sa mga malalapit sa paaralan, simbahan at government offices.

Facebook Comments