Pina-a-assess ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago sa Kamara ang ipinatupad na online learning sa bansa sa gitna ng pandemya.
Sa House Resolution 2000 ay tinukoy ni Elago na dahil sa pandemya ay napilitang lumipat sa distance-learning setup mula sa tradisyunal na face-to-face classes ang education sector nang wala man lang paghahanda para dito.
Naging malaking hamon aniya sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon ang mga limitasyon at problema tulad ng structural constraints, logistic deficiencies, infrastructural concerns, at kawalan ng pagsasanay ng mga guro para sa online learning.
Ipinunto pa ng kongresista na mas naging mahirap para sa mga mag-aaral lalo na ang mga maralita ang makasabay sa distance at blended learning.
Patunay aniya rito ang naitala ng Department of Education (DepEd) na 25% na ibinaba ng mga nag-enroll mula kindergarten hanggang senior high school para sa school year 2020-2021.
Bukod dito, hindi lamang sa pag-aaral kundi apektado rin ang mga estudyante mentally at financially para lang masuportahan ng mga pamilya ang kanilang pag-aaral sa gitna ng pandemya.
Dahil dito, umaapela si Elago sa Kamara na i-reassess ang online learning policy at hingian ng kongkretong plano ang DepEd at Commission on Higher Education (CHED) tungkol dito kasabay ng paghamon kay Pangulong Rodrigo Duterte na iprayoridad ang ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes.