Ilulunsad ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang online o electronic na bersyon ng driver’s license sa bansa.
Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipatupad ang digitalization sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, ang digital driver’s license ang magsisilbing alternatibo sa pisikal na license card at maaari itong ma-access o makita sa isang “super app” na nilikha ng DICT.
Dadgag pa ni Tugade, may mapagpipilian na rin ang publiko mula sa paggamit ng papel na Official Receipt (OR) bilang pansamantalang driver’s license sa gitna ng kinakapos nang suplay ng plastic cards.
Maliban sa digital na driver’s license, sinabi ng LTO Chief na maaaring magamit ng publiko ang “super app” para sa iba’t-ibang transaksyon sa ahensya tulad ng license registration at renewal gayundin ang online payments.
Tiniyak ng LTO at DICT na mahusay ang security features ng application upang maprotektahan ang personal information ng motorista.