Nanindigan ang internet personality at negosyanteng si Francis Leo Marcos na wala siyang kasalanan at sinabing maaring napag-iinitan lamang siya dahil sa ginawang “Mayaman Challenge.”
Si Marcos ang nasa likod ng viral na hamon, kung saan hinihimok niya ang mga mayayamang kapitbahay na mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
“Para do’n sa mga taong nasaling ko ang damdamin do’n sa aking ‘Mayaman Challenge,’ ako nama’y humingi na ng tawad sa inyo e,” pahayag ng social media personality na may 1 million subscribers sa Youtube.
“Kumbaga, ang layunin ko lang naman dito’y makatulong, hindi para makaperwisyo. Pero gano’n talaga, tatanggapin ko po ‘yang persecution na ‘yan,” pagpapatuloy pa niya.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Baguio Regional Trial Court, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Marcos sa kaniyang tirahan sa Green Meadows Subdivision, Quezon City nitong Martes.
Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo, ang pagkakadakip sa negosyante ay may kaugnayan sa kasong isinampa ng Optometrist Association of the Philippines.
Batay sa reklamo, lumabag ito sa Optometry Law (Republic Act 8050) matapos mamimigay ng salamin na walang pahintulot mula sa Philippine Association of Optometrists.
Pero napag-alaman ng ahensiya na may iba pang warrant of arrest laban kay Marcos para sa mga kasong illegal recruitment, estafa, at human trafficking.
Ginagamit din umano nito ang pangalang Norman Mangusin.
“We are in the process of verifying the true identity because we have been receiving reports that he had been using the name before, Norman Mangusin,” anang NBI Spokesperson Ferdinand Lavin.