Online petition na nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakalikom na ng libu-libong pirma

Nakalikom na ng mahigit 50,000 pirma ang online petition na nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Kaugnay ito ng umano’y hindi maayos na pagtugon ng pangulo sa COVID-19 pandemic at alegasyong pagiging “tuta” nito sa China.

Ayon kay Dr. Edelina De La Paz, chairperson ng Health Alliance for Democracy, ipinapakita lamang nito na hindi nakontento ang mga tao.


Aniya, ang petisyon na may titulong “Save The Nation! Duterte Resign!” ay hindi isang political statement kundi totoong panawagan para magbitiw ang pangulo.

Nabatid na unang lumagda sa petisyon ang nasa 500 medical workers, mga abodago, negosyante, miyembro ng academe, media at civic leaders.

Samantala, mariin namang itinanggi ng Department of National Defense (DND) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga alegasyong may ilang aktibo at retired generals ang nag-withdraw ng suporta kay Pangulong Duterte.

Giit ni DND Secretary Delfin Lorenzana, fake news ang kumakalat na impormasyon online.

Kinondena at pinabulaanan din ni AFP Chief General Cirilito Sobejana ang ulat.

Facebook Comments