Online petition para sa dagdag na bus lane sa EDSA, isinusulong

Ikinasa ang isang online petition na umaapelang ilaan para sa mga pampasaherong bus ang kalahati ng EDSA.

Ipinadala ang petisyon, na sa ngayon ay mayroon nang higit 200 na pumirma, sa opisina nina Senador Grace Poe at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Edsa traffic czar Bong Nebrija.

Ayon kay Jun Ramos, may-akda ng petisyon, layon nitong kumbinsihin ang MMDA na ibigay ang 50% ng EDSA lane para sa pampasaherong bus.


Ibinabaling raw kasi ang sisi ng buhol-buhol na traffic sa mga bus kahit na dalawa o tatlong porsyento lamang ito sa kabuuang dami ng sasakyan sa EDSA.

Giit ni Ramos, mga pribadong sasakyan ang dapat na nililimitahan.

“They should not monopolize Edsa,” ani Ramos patungkol sa mga pribadong sasakyan.

Bagaman magdudulot ito ng mas matagal na byahe ng mga pribadong sasakyan, mas mapapadali naman ang pagbyahe ng mga gumagamit ng pampublikong transportasyon.

Karamihan din ng mga dumadaan sa EDSA ay sumasakay sa bus o pampublikong transportasyon kaya nararapat lang na mas maraming lane ang ilaan dito.

Maaring tingnan at makibahagi sa petisyon sa link na ito: https://www.change.org/p/metro-manila-development-authority-increase-lanes-for-public-utility-vehicles-to-solve-edsa-traffic

Facebook Comments