Walang anumang uri ng ‘quarantine’ ang makapipigil sa kilos-protesta ng labor groups ngayong ‘Araw ng Paggawa’.
Sa kauna-unahang pagkakataon, kasado ngayong ‘Labor Day’ ang ‘online rally’ upang ipahatid sa pamahalaan ang kanilang pagkadismaya sa gitna ng COVID-19 crisis.
Hinikayat ni Kilusang Mayo Uno (KMU) National Chairperson Elmer Labog ang publiko na sumama sa ‘online protest’ ngayong umaga.
Hinimok ni Labog ang mga makikiisa na magsuot ng pulang face mask o pulang t-shirt bilang pagpapakita ng pagkadismaya sa mabagal na paghahatid ng ayuda ng pamahalaan.
Isa rin sa tatalakayin sa online protest ang umano’y pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at ang ‘demand’ na palawakin pa ang COVID-19 testing.
Sasama rin ang iba pang labor, women and youth groups sa pangunguna ng ‘Nagkaisa Labor Coalition’ at ‘Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Paggawa’.
Samantala, kasado na rin ang isa pang ‘virtual rally’ ng ‘Bukluran ng Manggagawang Pilipino’, mamayang alas-11:00 ng umaga.
Mapapanood naman ang ‘online concert series’ na pinamagatang ‘lockdown sessions’ hatid ng ‘Concerned Artists of the Philippines’ mamayang alas-6 ng gabi.