Ipatutupad ng pamunuan ng Land Transportation Office o LTO Region 1 ang online registration ng mga sasakyan sa kanilang tanggapan na layunin ang “Iwas Aberya, Iwas COVID-19 na rin” dahil sa patuloy na pagtaas pa rin ng kaso ng nakamamatay na sakit.
Sinabi ni LTO Region 1 Assistant Regional Director Kathleen Salayog, kinakailangan umano nilang ipatupad ang online registration lalo na at may kinakaharap na pandemya ang bansa ngunit nilinaw nito na bago pa man ang pandemya ay pinag-uusapan na ito ng kanilang hanay at isa ito sa plano ng ahensya.
Bago pa nito ay naumpisahan na itong ipatupad sa ilalim ng Stradcom bilang Personal Appointment Scheduling System o PASS para claim at renewal transaction.
Kapag ito ay naumpisahan na ay mag log in lamang sa LTO link at magbabayad sa bangko na accredited ng LTO. Nilinaw ni Salayog na lahat ng nag apply nito ay hindi mabibigyan ng physical OR o Official Receipt dahil makikita na ito online.
Samantala, ang online registration ay kasalukuyan ng ipinapatupad sa National Capital Region habang target ng LTO Region 1 na umpisahan na ito sa lalawigan ng Pangasinan bago magtapos ang kasalukuyang taon at mananatili na ang sistema kahit pa wala ng pandemya.