Inilunsad na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang online registration para sa mga residente ng lungsod na nais magpaturok ng COVID-19 vaccination.
Sa naging pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno sa kaniyang New Year’s message sa mga Manileño, handang-handa na ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19.
Kaya’t dahil dito, ginawa nila ang official website na www.manilacovid19vaccine.com para maging maayos ang pagpaparehistro ng mga nais magpabakuna.
Nilinaw naman ni Mayor Isko na susundin pa rin ang naunang plano na uunahin mabakunahan ang mga health care workers at senior citizens base na rin sa naging polisiya ng World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) bago turukan ang mga nagparehistro online.
Sinabi pa ni Mayor Isko na boluntaryo ang pagbabakuna at huwag rin mag-alala ang mga residente sa lungsod dahil libre nila itong matatanggap kung saan sinisiguro nila na ligtas at epektibo ang mga gagamiting bakuna.
Matatandaan na naglaan ng P250 million na pondo ang lokal na pamahalaan ng Maynila na gagamitin para pambili ng bakuna sakaling mayroon nang maaprubahan ang gobyerno.