Hindi na mahihirapan ang Philippine National Police sa paghahanda para sa nalalapit na undas kung saan isasarado muna sa publiko ang mga sementeryo bilang pag-iingat sa pagdagsa ng mga tao.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNP Chief General Guillermo Eleazar na inatasan na niya ang mga pulis na makipag-ugnayan na sa mga Local Government Units para naman sa inaasahang pagpunta ng mga tao bago ang October 29 at pagkatapos ng November 4.
Ayon kay Eleazar, depende na rin sa LGU kung magkakaroon sila ng online registration para sa mga pupunta dahil lilimitahan muli ang mga papayagang pumasok sa sementeryo kagaya noong nakaraang taon.
Matatandaang inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force na ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila simula sa Sabado, October 16 hanggang October 31 na bisperas ng undas.