
Inilunsad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) para pabilisin ang ticket reservation at mabawasan ang pila sa mga pantalan.
Bukod sa mababawasan ang pila, magiging paraan din ito upang maging mas maayos na biyahe ng mga pasahero.
Sa pamamagitan ng QR code at online system, makakapili na ng schedule ng biyahe ang mga pasahero kung saan gagamitin nila ang ORAS pass bago pumunta sa pantalan.
Ayon kay PPA Assistant General Manager for Operations Atty. Mark Palomar, hindi na maghihintay nang matagal ang pasahero dahil may nakalaan nang slot sa biyahe ang mga rehistrado sa sistema.
Kasalukuyan nang isinasagawa ang pilot testing ng ORAS sa Port of Lucena at inaasahang palalawakin pa ito sa iba pang pantalan sa bansa lalo na pagsapit ng panahon ng Semana Santa.










