Hinimok ni Senador Francis Tolentino ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipag-utos ang tuluyang pag-alis sa e-sabong feature na nakapaloob sa mga naglabasang electronic wallet applications sa mga smartphones.
Giit ito ni Tolentino sa BSP matapos tuluyang ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng online talpakan sa bansa.
Ayon kay Tolentino, dahil dito ay wala ng saysay upang panatiliin pa ng BSP ang e-sabong feature na matatagpuan sa menu ng mga e-wallet provider.
Diin ni Tolentino, maaaring magamit sa iligal na pustahan ang e-sabong feature na nakapaloob sa mga e-wallet provider kagaya ng GCash at PayMaya kung hindi ito aalisin.
Paliwanag ni Tolentino, ang pagpayag ng BSP na magamit sa pustahan sa e-sabong ang e-wallet services ang naging pangunahing rason kaya lumobo ang nabanggit na uri ng sugal at naging isang multi-bilyong industriya.