‘Online sabong,’ ilegal, ayon sa PAGCOR

Muling nagpaalala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa publiko na ang paglalagay ng pusta sa mga sabong na ipinapalabas online ay ilegal.

Ang mga ganitong gaming events ay nananatiling ipinagbabawal sa anumang community quarantine classification.

Ayon kay PAGCOR Chairperson and CEO Andrea Domingo, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang illegal gambling activities.


Nakipagtutulungan sila sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Philippine National Police (PNP) para panagutin ang mga nasa likod ng mga naturang ilegal na aktibidad.

Nagpaalala rin si Domingo sa lahat ng gaming operators na sundin ang direktiba ng pamahalaan kung saan ipinagbabawal ang cockfighting o sabong.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na anumang sabong, mapa-live o online ay hindi pinapayagan sa ilalim ng community quarantine.

Sa ilalim ng Presidential Decree 449, o Cockfighting Law of 1974, ang sabong ay pinapayagan lamang sa mga lisensyadong sabungan o cockpits tuwing araw ng Linggo at legal holidays at kapag mayroong local fiestas.

Facebook Comments