Iniulat ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na nangunguna ang online scams sa top 10 cybercrimes na kanilang naitala ngayong taon.
Ayon kay PNP-ACG Director PBGen. Sydney Sultan Hernia, ito ay sinundan ng illegal access, computer related identity theft, atm/credit card fraud, threats, data interference, anti-photo and video voyeurism, computer related fraud, at unjust vexation.
Sa loob aniya ng nabanggit na panahon, naimbestigahan ng PNP-ACG ang 16,297 kaso ng cybercrime na record-breaking sa kasaysayan ng organisasyon.
Nakapagsilbi aniya ang PNP-ACG ng 19 na warrant to search, seize, at examine computer data at 214 arrest warrants; 140 entrapment operations at nakapagbigay ng teknikal na tulong sa 24 na imbestigasyon ng ibang unit at ahensya.
Nagresulta aniya ito sa pagkakaaresto ng 397 na indibidwal at pagkakaligtas ng 4,092 biktima na karamihan ay sa mga operasyon laban sa human trafficking.