Online sellers, obligadong sumunod sa mga regulasyon ayon sa Shopee at Lazada

Iginiit ng online shopping platforms na Shopee at Lazada na nakamandato ang kanilang mga seller na sumunod sa mga batas at panuntunan.

Ito ay sa gitna ng hakbang ng Department of Health (DOH) na ipatawag ang Shopee at Lazada para ipaliwanag ang mga ulat na ibinebenta ang mga gamot sa pamamagitan ng internet na walang necessary permits.

Ayon sa Shopee, ang kanilang sellers ay mahigpit na tumatalima sa local laws at regulations at gumagawa sila ng kaukulang hakbang kapag may lumabag.


Iginiit din ng Shopee na pinaiiral nila ang zero tolerance sa counterfeit at offensive products at lahat ng produktong lumalabag sa kanilang regulasyon.

Sabi naman ng Lazada, obligado ang kanilang merchants na maging fully compliant sa mga kaukulang batas, regulation at issuances.

Sa pagbili ng regulated products, hinihikayat ng Lazada ang mga consumers nito na maging pamilyar sa kanilang sarili sa consumer information na inilathala ng Food and Drug Administration (FDA), DOH at governing bodies.

Nitong June 11, nagbabala ang FDA laban sa mga gamot na ibinebenta online.

Dagdag pa ng FDA, ang pagbebenta ng gamot online ay ilegal.

Facebook Comments