ONLINE SHABU | AWOL na pulis, arestado sa Batangas City

72

Batangas City – Arestado sa entrapment operation ang isang AWOL na pulis dahil sa pagbebenta ng shabu sa Barangay Libjo sa probinsya ng Batangas.

Kinilala ang suspek na si PO2 Kristofferson Reyes habang huli rin ang kasama niyang si Henry Banaira, kapwa residente ng Barangay Poblacion East sa bayan ng Taysan.

Nasabat sa kanila ang isang cellphone, 9mm na baril na kargado ng 19 na bala, itim na bag at dalawang bulto ng shabu na nagkakahalaga ng P23,000.

Ayon kay Batangas City Police Supt. Wildemar Tiu, nagbebenta ng droga ang mga suspek sa pamamagitan ng online transaction kung saan idinadaan naman ang bayad sa pamamagitan ng remittance sa bangko o wire transfer.

Base rin sa kanilang intelligence gathering, sa loob ng bilibid sa Muntinlupa kinukuha ng mga suspek ang droga.
Mahaharap sa kasong paglabag sa firearms law at Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Kakasuhan din si Reyes ng kasong administratibo dahil sa hindi pagsasauli ng baril na inisyu sa kanya ng gobyerno.

Facebook Comments