Online Social Distancing Platform na magmo-monitor sa kalusugan ng mga residente ng San Juan City, inilunsad ng San Juan LGU

Naniniwala ang pamunuan ng San Juan City Government para mabawasan ang pagsisikip sa mga hospital dahil sa lumolobong bilang ng mga pasyenteng may mga sintomas ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ay inilunsad na ng Lokal na Pamahalaan ng Siyudad ng San Juan ang SanJuan.Staysafe.Ph.

Ang sanjuan.staysafe.ph ay isang komprehensibo at epektibong hakbang na nakikita ni City Mayor Francis Zamora para sugpuin ang COVID-19 nang hindi na kailangan pang magtungo ng hospital.

Paliwanag ni Mayor Zamora, may mga nakatalagang doktor at iba pang mga Health Workers na magmo-monitor sa kalusugan ng sinumang residente o miyembro ng isang pamilya na nagpapakita ng mga sintomas ng nabanggit na nakamamatay na sakit habang nasa bahay ang isang posibleng biktima.


Tawag lang sa telepono at video call ang gagawin ng mga City Health Workers kaya’t siguradong nasusunod ang social distancing at maiiwasan ang exposure ng pasyente at frontliners na pangunahing dahilan ng pagkalat ng COVID-19.

Dahil dito ay hinihikayat ni Zamora ang mga taga-San Juan na magparehistro sa sanjuan.staysafe.ph na ang paraan ay naka-post sa kanyang Facebook account.

Paliwanag ng opisyal, alinsunod din ito sa Data Privacy Act dahil pangalan at telepono lamang ang hinihingi para magparehistro sa sanjuan.staysafe.ph.

Facebook Comments