Online sugal, hindi dapat pagkakitaan ng pamahalaan — CBCP President

Naglabas ng pahayag si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Pablo Virgilio Cardinal David bilang tugon sa sulat na natanggap mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ito ay kaugnay sa paliwanag ng PAGCOR noong July 3 matapos magpahayag ng pagkabahala ang CBCP sa panganib na dulot ng online gambling.

Ayon kay David, bagama’t kinikilala nila na naging bahagi na ng araw-araw na pamumuhay ang digital platforms ay hindi naman kasama sa basic necessity o pangunahing pangangailangan ang sugal.

Ang pagpapalawig aniya ng access dito bunsod ng pagbabago ng consumer habits ay nagpapalaki lamang sa panganib na dala ng pagsusugal gaya ng pagkasira ng pamilya, pagkakabaon sa utang at adiksyon.

Sinabi pa ng kardinal na hindi dapat maging mas matimbang ang kita ng gobyerno sa obligasyong moral at dapat din paigtingin ang pagpapatupad ng batas kaugnay rito.

Tinabla rin ni David ang sinasabing “responsible online gaming” lalo’t maraming mga kabataan ang nakakalusot dahil na rin sa madaling ma-access at mga agresibong marketing ng mga artista, influencers ar online streams.

Dahil dito, nararapat lamang daw na manguna ang Estado na magpakita ng halimbawa at hindi magsilbing promoter, regulator at benepisyaryo pa ng kita mula sa sugal.

Nananatili namang bukas ang CBCP sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor para protektahan ang mamamayan lalo na ang mga kabataan at mahihirap mula sa masamang epekto ng pagkaadik sa sugal.

Facebook Comments