Online transaction fee, dapat ipasuspinde ng BSP sa mga bangko

Iginiit ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na himukin ang iba pang mga bangko at mga Electronic-Money Issuers (EMIs) na huwag munang maningil ng transaction fee sa mga bayaring ginagawa sa online at bank transfers.

Layunin ng mungkahi ni Gatchalian na mapasigla at mapadali ang paglilipat sa digital transaction ng mga serbisyong may kinalaman sa pananalapi sa bansa at makamit ito sa taong 2023 batay sa programa ng BSP na Digital Payments Transformation Roadmap o DPTR.

Ang suhestyon ni Gatchalian ay makaraang i-anunsyo ng BSP na may 17 na bangkong patuloy na hindi naniningil ng online fee gamit ang PESONet at walo naman ang hindi kukubra ng transaction fee ng InstaPay hanggang Disyembre 31, 2021.


Giit ni Gatchalian, cashless transaction na ang ‘new normal’ kung saan tatangkilikin ito ng publiko kung wala na silang babayarang transaction fees.

Katwiran pa ni Gatchalian, kung may mga bangko na nagawang suspindihin ang pagkolekta ng transaction fees magmula nang magkapandemya noong isang taon hanggang sa ngayon ay maaari rin itong ipatupad ng iba pa.

Umaasa si Gatchalian na habang tuloy-tuloy ang pandemya, sana tuloy-tuloy rin ang libreng transaction fees lalo na’t marami pa rin ang hindi nakakabalik sa kanilang trabaho at malaking tulong sa kanila kung hindi na sila magbabayad ng bank transaction fees.

Facebook Comments