Online travel pass, inihahanda na ayon sa JTF COVID Shield

Inihahanda na ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield at iba pang concerned agencies ang isang online travel pass system.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at JTF COVID Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, ang paghahanda nila ay dahil sa inaasahan na magtatagal pa ang COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Eleazar, sa pamamagitan ng online platform ay magiging mas madali na sa mga bumabiyahe na mag-apply ng travel pass at hindi na sila kailangang magtungo sa mga istasyon ng pulis para kumuha nito.


Ang online system na tatawaging Safe, Swift and Smart Passage (S-PaSS) ay maaaring ma-access ng publiko mula sa kanilang mga bahay at makikita nila doon ang mga travel advisory ng mga Local Government Unit (LGU).

Direkta na silang makakapag-apply ng Travel Authority (TA) at Travel Pass-through Permit (TPP).

Sinabi ni Eleazar, kahit niluwagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga travel restrictions, mayroon pa ring kapangyarihan ang mga LGU na magpatupad ng kanilang sariling quarantine protocols depende sa sitwasyon sa kanilang lugar at maaaring i-require pa rin ng travel pass.

Ang S-PaSS ay binuo ni Director Rowen Gelonga, ng DOST Region VI bilang isang “travel management system” para sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs), Returning Overseas Filipinos (ROFs) Emergency Travelers (ETs), at iba pang bumabyahe ngayong may pandemya.

Facebook Comments