OP, OVP, at ilang ahensiya, nakakuha ng very satisfactory rating sa performance review ng DBM

Kapwa nakakuha ng mataas na marka ang Office of the President (OP) at Office of the Vice President (OVP) sa 2024 performance review ng Department of Budget and Management (DBM).

Ayon sa DBM, binigyan ng 4.53 na marka ang OP sa paggastos nito ng pondong inilaan sa kanila sa ilalim ng 2024 budget.

Nasa P12.4 billion ang pondo ng Office of the President noong nakaraang taon kung saan P9.4 billion o katumbas ng 97% ang nadisburse.

Sa OVP naman, 4.50 ang ibinigay na marka ng DBM kung saan nahigitan nito ang lahat ng performance targets at nagamit ang pondo sa kanilang mga inisyatibo gaya ng social welfare assistance sa taumbayan.

Nasa P2.1 billion ang approved budget ng OVP noong nakaraang taon kung saan 86 na porsyento P1.5 billion dito ang na-disburse.

Binigyan din ng ‘very satisfactory ratings’ ang ilan pang ahensiya at tanggapan ng pamahalaan gaya ng DBM, Department of Energy (DOE), Department of Education (DepEd), Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa kabuuan, 308 na departamento at ahensiya ang sumailalim sa assessment, kung saan 181 ang nakakuha ng very satisfactory, 94 ang satisfactory habang 16 ang napabilang sa poor to unsatisfactory performance.

Sinabi naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi lang sa paggastos ng gobyerno nakikita ang progreso kundi dapat nararamdaman din ito ng mga Pilipino sa pamamagitan ng serbisyo.

Facebook Comments